Bangkay ng dating guro, nahukay sa Alimodian, Iloilo

Injured Killed
0 1

Date: 08 February 2013
Source: Last Updated on Friday, 08 February 2013 07:41 Friday, 08 February 2013 07:17 bombo radyo

ILOILO CITY – Isang bangkay ng dating guro ang nahukay sa isang bayan sa lalawigan ng Iloilo kahapon.

Ang biktima ay nakilalang si Hanesa Ganza, 58, ng Lopez Jaena St., Iloilo City at nakatira na ngayon sa Sitio Gutaw, Barangay Buga, Leon Iloilo kung saan mag-isa lang ito sa bahay.

Ayon kay PO3 Sandy Harder, imbestigador ng Alimodian Municipal Police Station, naagnas na ang bangkay ng biktima nang mahukay ito mula sa isang metrong lalim na hukay sa bulubunduking bahagi ng Barangay Quinaspan, Alimodian.

Wala nang pang-ilalim na damit, nakagapos ang dalawang paa at nakabalot sa transparent na plastic ang bangkay ng biktima nang mahukay ng mga miyembro ng Alimodian at Leon Municipal Police Station kasama ang Scene of the Crime Operatives.

May bag din na natagpuan kasama ng bangkay na naglalaman ng isang tsinelas, sandals at stetoscope.

Ang biktima ay nakitaan ng malaking sugat sa kaniyang bunganga.

Una rito, isang caretaker ang nakarinig ng balitang may nawawalang babae noong nakaraang Enero 29 at noong araw ding ‘yon may nakita itong marka ng dugo sa lugar kung saan nahukay ang bangkay ng biktima.

Kaaagad itong ini-report ng caretaker sa mga pulis at doon na natagpuan ang bangkay.

Sa pag-usisa naman ng Bombo Radyo sa driver ng motorsiklo na si Jun Capanang na palaging sinasakyan ng biktima, nakatanggap pa siya ng text message mula sa biktima para magpasundo subalit hindi na niya ito nakita pa.

Sa ngayon, hindi pa matukoy ng mga pulis ang motibo sa krimen subalit may mga lead na umano sila sa imbestigasyon.