Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 09 July 2013
Source: Bombo Radyo
ZAMBOANGA CITY – Binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital ang 27-anyos na dalaga na nagtatrabahong teller ng isang money changer sa Zamboanga City makaraang barilin ng hinihinalang holdaper at tangayin ang kanyang bag kung saan nakalagay ang maliit na halaga ng pera.
Batay sa report ng Zamboanga City police office, dakong alas-8:25 kagabi habang pauwi na ang biktimang si Jocelyn Lo Franca sa kanyang tinitirhang boarding house sa may Governor Alvarez St., Barangay Camino Nuevo nang mangyari ang pamamaril.
Si Franca ay nagsisilbing teller ng Forex exchange money changer na nasa may Southway Mall sa lungsod at kagagaling pa lamang nito sa kanyang trabaho nang sundan ng mga suspek.
Nang makahanap ng pagkakataon ay dito na ginawa ang krimen.
Ayon sa isang residente sa lugar na nakakita sa insidente, nakita niya ang isang lalaki kasama ang isa pang suspek sa isang motorsiklo na puwersahang hinihila ang bag ng biktima saka binaril ito.
Kaagad nakatakas ang dalawang suspek sakay ng kanilang motorsiklo sa kabila nang agarang pagrespondeng mga pulis sa lugar ng insidente.
Sa panayam sa bagong officer-in-charge ng Zamboanga City police office na si S/Supt. Jose Chikito Malayo, sinabi nito na nakikiramay siya sa sinapit ng dalaga na sa kagustuhan nitong pumunta sa lungsod para makapagtrabaho at matulungan ang kanyang pamilya.
Sinabi ni Malayo na nalulungkot din siya dahil malayang nakatakas ang mga suspek.
Nilinaw naman ng opisyal na ginawa ng kanyang mga pulis ang lahat para mahuli ang mga papatakas na salarin pero sadyang kulang ang naibigay na impormasyon sa kanila ng mga nakasaksi sa insidente kaya hindi na naharang kaagad ang mga ito.
Sa ngayon patuloy na nangangalap ng mga impormasyon ang kapulisan para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Inaasahang iuuwi ang labi ng biktima sa kanilang tahanan sa Cebu City. (MRDS)