Babaeng manager ng bangko pinatay sa South Cotabato

Injured Killed
0 1

Date: 02 May 2013
Source: Bombo Radyo

GENERAL SANTOS CITY – Patay ang isang babae na manager ng bangko sa Polomolok, South Cotabato matapos binaril-patay ng hindi nakilalang mga suspek.

Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan kay P02 Renato Paclibar Jr. ng Polomolok PNP, kanyang inihayag na ang biktima na si Carolyn Bandala ay manager sa Rural Bank of Alabel, Polomolok Branch at ito ay taga-Purok Masagana, Magsaysay, Polomolok, South Cotabato.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, ang biktima ay angkas sa motorsiklo na minamanehuan ng kanyang mister habang papunta sa kanyang trabaho kaninang umaga nang biglang barilin na lamang.

Habang nasa area ng isang pribadong sementeryo sa Poblacion Polomolok, biglang nagpaputok ng baril ang tatlo katao kung saan nahulog ang misis, 30 metro ang layo mula sa crime scene.

Ang mga suspek ay sumakay kaagad sa naka-standby na motorsiklo sa tabi ng national highway na ang kanilang direksyon ay papuntang GenSan.

Walong empty shell at isang slug ng .45 nga pistola ang nakita sa crime scene.

Ang biktima ay binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital at ang karamihang sugat ay nasa likurang bahagi nito.

Habang work related ang anggulo na tinutukan ng pulisya sa imbestigasyon ng kaso dahil may mga kinasuhan umano na mga kliyente na hindi nakabayad ng utang.