Away itinodo sa hukay

Injured Killed
0 1

Date: 27 February 2013
Source: http://www.abante-tonite.com/issue/feb2713/crime_story02.htm

Nasawi makaraang aksidente umanong mabaril ng mismong live-in partner na bebot ang isang lalaki matapos ang isang pagtatalo sa loob ng kanilang bahay sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ang biktima na si Francisco Lava makaraang mabaril ng live-in partner nito na nakilalang si Irene Notarte.

Ayon kay PO2 Anthony Tejerero ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District, nangyari ang pamamaril pasado alas-tres ng madaling-araw subalit nai-report sa kanila ang insidente ganap na alas-9:30 na ng umaga.

Sinasabing madalas umanong mag-away ang dalawa dahil sa hindi pa mabatid na dahilan.

Sinabi ni Guiller, pinsan ng biktima, narinig umano niyang nagsisigawan ang dalawa sa loob ng kanilang bahay. Ilang minuto pa ay bigla umano siyang nakarinig ng putok ng baril.

Kasunod ng insidente ay agad siyang lumabas kung saan nakita na lamang niya si Notarte na inilalabas ng bahay ang biktima.

Agad umanong isinakay sa tricycle at dinala sa nasabing pagamutan ang biktima kung saan idineklarang patay.

Samantala, nananati­ling palaisipan sa pulisya ang pagtanggi ng pamilya ng biktima na ituloy ang imbestigasyon at sampahan ng kaso si Notarte.

Ayon kay SPO4 Leonardo Paso, mismong ang ina ni Lava na si Marissa ang tumangging sampahan ng kaso si Notarte.

“Kung makukulong siya, sino na mag-aalaga sa anim nilang anak?” sabi ni Marissa.