Injured | Killed |
---|---|
1 | 0 |
Date: 03 November 2010
Source: http://www.abs-cbnnews.com/video/nation/metro-manila/11/03/10/drunk-men-shop-after-robbing-convenience-store
Balot pa ng tensyon sa loob at labas ng convenience store na ito nang datnan namin sa Olivarez, Parañaque, pasado hatinggabi.
Katatapos pa lang pala itong looban ng may pito hanggang walong armadong lalaki.
Kuwento ng mga tauhan doon, pagpasok pa lang ay agad nagdeklara ng hold-up ang mga suspek.
“Pinadapa ako tapos kinadkad diyan. Hinanap din nila ang vault at kaha,” kwento ng crew na si Christian Sanchez.
Matapos tangayin ang lahat ng kinita ng tindahan tila nag-shopping pa ang mga suspek na mga naka-inom at tila nagkakatuwaan pa.
Nilimas nila ang maraming alak, sigarilyo, tsokolate, ice cream, at mga donut.
Hindi pa nakuntento, maging ang mga pitaka at cell phone ng guwardiya at staff ng tindahan, kinuha din.
Nagtamo naman ng ilang pasa sa katawan at bukol sa ulo ang guwardiyang si Allan Fernandez. Malaki ang pasasalamat niya at buhay pa siya.
“Pinukpok ako ng baril sa ulo, sabay dapa, tinadyakan ako papunta sa sulok,” sabi ni Fernandez.
Agad namang tumakas ang mga suspek sakay ng itim na SUV. Hindi rin sila namukhaan dahil walang CCTV ang tindahan. Jerome Lantin, Patrol ng Pilipino.