Ama namaril dahil sa inaping anak

Injured Killed
0 1

Date: 13 February 2013
Source: (Cherk Almadin) abante tonite feb13, 2013

“Wafu, pasensiya na, sinaktan mo anak ko e!” Ito umano ang binita­wang salita ng isang hindi pa nakikilalang lalake bago binaril ng dalawang beses sa ulo ang isang ex-convict habang nakikipag-chat ito sa isang PisoNet sa kanilang lugar sa Malabon City kamakalawa ng gabi.


Sa inisyal na imbestigasyon ni SPO1 Edsel dela Paz, dakong alas-nuwebe ng gabi nangyari ang pamamaril sa biktimang si Angelo G. Figueroa alyas ‘Wafu’, 34, walang trabaho at naninirahan sa Block 17 Lot 23 Phase 2, Area 3, Dagat-dagatan, Bgy. Longos, Malabon.


Napag-alaman na dating nakulong sa loob ng 12-taon dahil sa kasong murder at frustrated murder ang biktima na lumaya noong 2011 sa New Bilibid Pri­sons sa Muntinlupa City.


Nakulong din umano ang biktima noong Agosto 2012 sa Malabon City Jail dahil sa kasong robbery with intimidation of person at nakalaya noong Oktubre ng parehong taon.


Base sa report ng pulisya, nakaupo ang biktima sa harap ng PisoNet sa Hasa-Hasa Alley, Dagat-dagatan at nakikipag-chat nang biglang sumulpot mula sa kanyang likuran ang suspek na nakasuot ng helmet at nakapulang jacket.


Nilapitan ng suspek ang biktima at pagkatapos pagsalitaan ay binaril ito sa ulo ng dalawang beses saka mabilis na tumakas sakay ng motorsiklo na hindi naplakahan.


Isinugod naman ng kanyang mga kamag-anak ang biktima sa Tondo Medical Center subalit hindi na ito umabot ng buhay.


Blangko pa ang pulis­ya sa pagkakakilanlan ng suspek na pinaniniwalaang paghihiganti ang motibo laban sa biktima para sa kanyang anak na inapi ng pinatay.