Injured | Killed |
---|---|
0 | 0 |
Date: 07 February 2013
Source: Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines – Natimbog ng mga awtoridad ang isang miyembro ng ‘Akyat Bahay gang’ matapos na maispatan habang papatakas mula sa isang bahay na kanyang pinagnakawan sa lungsod Quezon kamakalawa.
Ayon kay Quezon City Police District director Chief Supt. Richard Albano, hindi maitatanggi ng suspect na si Francisco Lausin, ang kanyang ginawa dahil nakuha mula sa kanya ang isang bag na naglalaman ng mga ninakaw na gamit at mga tools na ginamit nito sa pagwasak sa pintuan ng tinarget na bahay sa Brgy. Central.
May nakuha rin umanong isang kalibre 38 baril sa suspect bukod sa mga bolt cutter, plais at isang bareta de cabra.
Si Lausin, 41, residente sa Caloocan City ay nadakip ganap na alas-2:35 ng hapon matapos na magkunwaring tindero ng longanisa.
Pinasok ng suspect ang bahay ng isang Susan Lagahit ng Brgy. Central nang malaman nitong walang tao sa loob.
Pero habang papalabas ng bahay ay nasalubong ang suspect ng isang kapitbahay at hinabol, pero nagawang makatakas ng una.
Agad na tumawag ng saklolo mula sa barangay tanod na sina Joven Cana at Paterno Lozano at hinabol ang suspect, bago tumawag sa police hotline 117 na naging ugat ng kanyang pagkaka aresto.