9 na sundalo na at Cafgu patay, 6 sugatan sa ambush ng NPA sa North Cotabato

Injured Killed
6 9

Date: 21 October 2013
Source: Bombo Radyo

Update) KIDAPAWAN CITY – Umakyat na sa siyam ang nasawi at lima ang nasugatan sa magkasunod na pananalakay ng New People’s Army (NPA) sa lalawigan ng North Cotabato. Una rito, dakong alas-9:05 ng umaga kanina unang tinambangan ang mga tauhan ng 38th Infantry Battalion Phil. Army sa Brgy Bituan, North Cotabato at kasabay ng pagpapasabog ng isang malakas na uri ng landmine. Limang mga sundalo at tatlong Cafgu ang patay on the spot sa naturang pananambang ng mga NPA. Kabilang sa mga nasugatan si Army Capt Ernesto Aguilar na maghahatid sana ng pasahod ng mga Cafgu nang ito’y tambangan at pasabugan ng landmine. Agad na nagresponde ang mga tauhan ng 57th Infantry Battalion Phil. Army para tulungan ang 38th IB ngunit pagsapit sa bahagi ng Brgy Luna Sur, Makilala, North Cotabato ay sila naman ang inabus ng mga rebelde. Sa huling insidente ay isang sundalo naman ang nasawi at apat ang nasugatan kabilang na si 1Lt Bruno Hugo. Sa kasalukuyan ay patuloy na tinutugis ng militar ang mga rebelde na nagkukuta ngayon sa hangganan ng bulubundukin ng North Cotabato at Davao Del Sur. May mga sibilyan na rin ang nagsilikas sa takot na maipit sa operasyon ng militar laban sa mga NPA. (Bombo Garry Fuerzas)