Injured | Killed |
---|---|
0 | 8 |
Date: 31 July 2013
Source: Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines – Walong sundalo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang napaslang habang marami pa ang nasugatan makaraang sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng tropa ng militar at grupo ng mga bandido sa Cotabato –Isulan Highway sa bayan ng Guindulungan, Maguindanao kahapon ng madaling-araw.
Sa phone interview, sinabi ni Col. Dickson Hermoso, spokesman ng Army’s 6th Infantry Division, bandang alas- 5 ng umaga nang sumalakay at namaril ang BIFF rebs ng oil tanker.
Gayundin, hinaras ng mga rebelde ang mga sasakyang dumaraan matapos na okupahin ang nasabing highway na nagkokonekta sa General Santos City at Cotabato.
Inatake rin ng mga rebelde ang dalawang Army detachment sa bayan ng Datu Piang kung saan agad namang rumesponde ang Army’s 45th Infantry Battalion (IB) sa pamumuno ni Lt. Col. Donald Homitan kaya sumiklab ang giyera.
Kasunod nito, pansamantalang isinara ang bahagi ng national highway sa Cotabato habang daang residente naman ang nagsilikas sa takot na maipit sa bakbakan.
Naitaboy na rin sa national highway ang mga rebelde matapos ang clearing operations kung saan tatlong BIFF rebs ang napatay at hindi pa mabilang ang sugatang nagsitakas.
Inihayag pa ng opisyal na 24 oras na nakaalerto ang militar sa Central Mindanao bunga ng serye ng pag-atake ng BIFF na sinasabing tutol sa peace talks sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ng gobyerno.