8 ASG patay, 3 sundalo sugatan sa Basilan

Injured Killed
3 8

Date: 15 April 2013
Source: Bombo Radyo

ZAMBOANGA CITY – Walong miyembro ng Abu Sayyaf group (ASG) ang napaulat na nasawi habang tatlo naman sa panig ng mga sundalo ang nasugatan sa dalawang magkahiwalay na sagupaan sa tinaguriang kuta ng Basilan-based ASG terrorists sa may Barangay Silangkum, munisipyo ng Tipo-Tipo sa lalawigan ng Basilan kaninang umaga.

Batay sa ulat ng Western Mindanao Command (WestMinCom), unang naglunsad ng ground assault ang mga kasapi ng Joint Task Force Basilan at ang Special Action Force (SAF) ng PNP bandang alas-5:30 ng umaga kanina kung saan nakaengkuwentro nila ang humigit kumulang 30 mga armadong kalalakihan na mga tauhan umano nina ASG leader Isnilon Hapilon at si Furuji Indama.

Sumiklab muli ang sagupaan pasado alas-9:00 ng umaga kanina na nagresulta sa tuluyang pag-atras ng mga bandido at inabandona ang kanilang kampo sa lugar.

Dalawa sa tatlong mga sundalong sugatan ang kinilalang sina Sgt. Magno miymebro ng Philippine Army (PA) at ang isang kasapi ng Philippine Air Force (PAF) na si A2C Kasilag.

Sa ngayon ay hawak na ng mga otoridad ang nasabing kuta ng mga bandido habang patuloy pa ang pursuit operation laban sa mga nakatakas.

Nilinaw naman ng WestMinCom na ang naturang operasyon ay target lamang sa sinasabing kuta ng ASG sa naturang lugar at hindi kasama rito ang grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na nananatili rin sa lugar.

Nirerespeto umano ng AFP sa lahat ng inilulunsad nilang operasyon ang pinirmahang Bangsamoro Framework Agreement sa pagitan MILF at ng pamahalaan. (MRDS)