Injured | Killed |
---|---|
1 | 0 |
Date: 07 February 2013
Source: Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines – Matagumpay na nailigtas ng mga tauhan ng Taguig City Police ang isang 70-anyos na lola makaraang i-hostage ng manugang na may kapansanan sa pag-iisip, kahapon ng umaga.
Kapwa isinasailalim sa medical examination ngayon sa Taguig-Pateros District Hospital ang biktimang si Estipania Matarina, at ang hostage-taker na si Lucy Castillo, 42.
Sa inisyal na ulat ng Taguig City Police, dakong alas-8:30 ng umaga nang umpisahang i-hostage ni Castillo ang biyenan sa loob ng kanilang bahay sa Blk. 1 Lot 3 Phase 2 Brgy. Pinagsama.
Sinasabing nawala sa sarili si Castillo nang umatake ang sakit nito sa isip at tinutukan ng kutsilyo ang biyenan saka nagkulong sa bahay.
Humingi naman ng saklolo ang mga opisyal ng barangay sa Taguig Police na rumesponde sa lugar.
Makaraang maisagawa ang lahat ng paraan ng pakikipagnegosasyon at mabigo, humanap na lamang ng tiyempo ang mga pulis upang mailigtas ang biktima. Dakong alas-10 ng umaga nang magawang mahablot ng mga pulis ang biktima at mapapayapa ang hostage-taker.
Wala naman umanong pisikal na pinsalang natamo ang suspek at biktima ngunit dinala pa rin nila sa pagamutan para sa traumang natamo ng mga ito.