7 patay, 8 sugatan sa election related violence Western Mindanao

Injured Killed
8 7

Date: 14 May 2013
Source: Bombo Radyo

ZAMBOANGA CITY – Ilang insidente ng election related violence ang naitala ng Western Mindanao Command (WestMinCom) sa araw ng eleksyon kahapon.
 
Isa na rito ang nangyaring ambush sa convoy ng mga supporter ng isang mayoralty candidate sa munisipyo ng Panglima Estino sa lalawigan ng Sulu bago magbukas ang mga presinto kahapon ng umaga.
 
Sa naturang pamamaril, isa ang kaagad binawian ng buhay habang nasa limang katao pa ang malubhang nasugatan.
 
Sinundan naman ito sa nangyaring bakbakan sa munisipyo naman ng Tongkil, Sulu sa pagitan ng mga supporter ng partido ni Sulu Governor Abdusakur Tan at ng pamilya Sahidulla.
 
Humupa rin ang tensyon makalipas ang ilang oras matapos makialam na rin ang militar.
 
Kinumpirma ni Col. Rodrigo Gregorio, ang tagapagsalita ng WestMinCom na umakyat na sa apat ang nasawi sa dalawang magkasunod na insidente kahapon sa nasabing lalawigan.
 
Kasama rin sa naitala ng WestMinCom ang nangyaring strafing sa isang gusali sa bayan ng Bayog sa lalawigan naman ng Zamboanga del Sur kung saan tatlo ang namatay at walo naman ang nasugatan.
 
Nabatid na ang mga biktima ay mga supporter ng isa ring mayoralty candidate sa lugar.
 
Lumalabas sa imbestigasyon ng otoridad na nagsasagawa ng pagpupulong ang mga biktima sa loob ng isang gusali sa lugar nang bigla na lamang inulanan ng bala ng armadong grupo. 
 
Kung ibabase sa record ng pulisya, marami pang sunod-sunod na insidente ng pamamaril ang nangyri sa iba pang mga lugar sa Western Mindanao na may kaugnayan din sa isyu ng tumitinding labanan ng mga magkakalabang partido sa pulitika.
 
Sa kabila nito, kampante pa rin ang militar na maituturing pa rin mapayapa ang araw ng eleksyon sa mga lugar na kanilang sinasakupan. (MRDS)