Injured | Killed |
---|---|
0 | 0 |
Date: 17 April 2013
Source: Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines – Timbog ang pitong kalalakihan na armado ng balisong makaraang masakote ng mga awtoridad ilang minuto matapos na holdapin ang isang pampasaherong bus sa lungsod Quezon, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.
Kinilala ni Quezon City Police District director Senior Supt. Richard Albano ang mga suspect na sina Jerry Lope, 42; Arsenio Dapat, 34; Nelson Albia, 33; Raymond Pardo, 29; Bernabe Aceo, 32; Randy Matas, 28, at Jeffrey Almonte, 19, pawang taga-Brgy. Batasan Hills sa lungsod.
Narekober sa kanila ang apat na piraso ng balisong, pitong mga cellphone, apat na piraso ng relos at isang digital camera.
Sabi pa ng opisyal, malaking tulong sa pagkakadakip ng mga suspect ang driver at konduktor ng bus na sina Ismael Sambuto at Ronald Jumawan na agad na nakapagsumbong sa mga awtoridad matapos ang pangyayari.
Nangyari ang insidente sa may kahabaan ng Edsa, partikular sa harap ng Centris mall habang ang mga suspect ay sakay ng Nicholas Albert transport bus na nagkunwaring mga pasahero, ganap na alas-12 ng madaling-araw.
Sinasabing pagsapit sa panulukan ng Quezon Avenue, biglang nagdeklara ng holdap ang mga suspect gamit ang patalim at nilimas ang gamit ng mga pasahero. Nang makuha ang kanilang pakay ay agad na nagsipagbabaan ang mga suspect.
Sa halip naman na bumiyahe papalayo, nagdesisyon ang bus driver na magtungo sa himpilan ng pulisya sa Kilyawan Police Precint sa EDSA at inireport ang insidente.
Agad namang nagtungo sa nasabing lugar ang tropa ng pulisya kung saan nakatanggap sila ng impormasyon na sumakay muli ang mga suspect sa isa pang pampasaherong bus.
Dahil dito, nagsagawa ng checkpoints ang pulisya sa lahat ng mga nagdaraang pampasaherong bus hanggang sa matiyempuhan ang mga suspect na sakay sa isa pang bus ng Nicholas Albert Transport bus at inaresto. Ayon kay Sanchez, natukoy nila na ang mga suspect makaraang ibulong sa kanila ng konduktor at driver nito ang lugar na pinag-upuan ng mga ito, habang may bitbit ng patalim.