68-anyos na lolo, napatay sa taga ng sariling anak; bangkay ng biktima inilibing sa bakuran

Injured Killed
0 1

Date: 31 August 2013
Source: Bombo Radyo

ZAMBOANGA CITY – Isang 68-anyos na lolo na dati na rin umanong nakapatay sa kanyang sariling anak ang aksidente ring napatay sa pananaga ng isa pa niyang anak sa loob mismo ng kanilang bahay sa Barangay Pitawie, Gutalac, Zamboanga del Norte.
 
Nadiskubre rin ng mga otoridad ang bangkay ng biktimang si Marcos Ignacio Sr. na inilibing sa kanilang mismong bakuran.
 
Ayon sa impormasyon na nakuha ng Bombo Radyo Zamboanga mula sa Gutalac municipal police station, umuwi umanong lasing na lasing ang biktima sa kanilang bahay noong nakaraang gabi at inaway ang kanyang misis saka tinangka pang tagain kaya nakialam ang kanyang anak na lalaki na si Ronie Ignacio Matugas, 22, para awatin ang kanyang ama.
 
Subalit mas lalo umanong nagalit ang biktima at binalingan pa nito ng galit ang umawat niyang anak.
 
Sa galit din ng anak ay umuwi ito sa kanilang bahay para kumuha ng itak at pagbalik sa bahay ng kanyang mga magulang ay pinagtataga na nito ang kanyang ama hanggang mapatay.
 
Para maitago ang krimen, nagdesisyon umano ang mag-ina na ilibing ang bangkay ng biktima sa kanilang bakuran subalit nalaman ito ng kanilang barangay kapitan kaya kaagad ini-report sa pulisya.
 
Napag-alaman mula sa mga otoridad na naging kaugalian na ng biktima ang manggulo sa kanilang bahay sa tuwing umuuwi ito ng lasing at ang pagpatay umano sa kanya ng kanyang anak ay isa lamang umanong aksisdente at hindi naman sinadya.
 
Lumalabas sa record ng Gutalac municipal police station na noong taong 2001 nang tagain at mapatay naman ng lolo ang kanyang panganay na anak na lalaki dahil din sa matinding kalasingan.
 
Nakulong umano sa loob ng anim na buwan ang lolo pero napalaya rin dahil hindi na nagsama pa ng kaso ang kanyang pamilya laban dito.
 
Samantala, nakakulong na ngayon sa selda ng Gutalac municipal police station ang nakapatay na anak habang hinihintay pa ng pulisya kung magsasampa pa ba ng kaso laban sa kanya ang kanyang pamilya. (MRDS)