Injured | Killed |
---|---|
0 | 0 |
Date: 30 November 2013
Source: Journal Online
NADAKIP ng mga tauhan ng Philippine Air Force (PAF) na nakatalaga sa “Oplan Salubong” sa Villamor Air Base ang anim kataong sangkot sa pagnanakaw ng mga relief goods na nakalaan sa mga biktima ng Bagyong Yolanda kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Dinala ng mga tauhan ng Security Forces Squadron sa Pasay City police ang mga suspek na sina Remar Saringan, 40, Reynaldo Fontanilla, 56, Larcy Fontanilla, 36, Percival Nuez, 47, Adelaida Esteves, 55, at Zaldy Nuez, 52, pawang mga residente ng Sycamor St., Kingsville Hills, Antipolo City, makaraang madakip habang patakas na bitbit ang mga ninakaw na relief goods na nagkakahalaga ng mahigit P800,000.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na umaga pa lamang ay nagkunwaring volunteer ang mga suspek na tumutulong pa sa pamamahagi ng pagkain sa mga biktima ni Yolanda habang abala naman sina Saringan, Nuez at Esteves sa paglalagay ng relief goods sa plastic bag na kanilang tinitipon sa isang lugar.
Dakong alas-9 ng gabi nang dumating ang isang van mula sa MIAA motorpool na minamaneho ni Fontanilla at kaagad na isinakay ang mga tinipong relief goods su-balit lingid sa kanilang kaalaman ay tinitiktikan na pala sila ni T/Sgt. Bobby Abner dela Cruz kaya’t bago pa man makaalis ay nasakote na sila sa gate ng Villamor Air Base.
Nang dalhin sa Pasay City General Hospital upang ipasuri ang mga suspek, nakapuslit patakas si Zaldy Nuez nang hindi namalayan ng mga otoridad.
Kasong pagnanakaw ang isasampa ng regional director ng Department of Social Welfare and Development National Capital Region (DSWD-NCR) laban sa mga suspek.