5 pulis sa Masbate, iimbestigahan dahil sa pagpaputok daw ng baril

Injured Killed
0 0

Date: 30 January 2013
Source: Bombo Radyo

NAGA CITY – Nakatakdang paimbestigahan ng Regional Special Operation Task Group (RSOTG) sa lalawigan ng Masbate ang limang pulis na bahagi ng augmentation force dahil sa umano’y pagpapautok ng baril.

Nabatid na nagkaroon ng pag-aaway ang mga pulis na ito na pawang nadestino sa Naga City bago dalhin sa Masbate noong Disyembre 2012.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Pol. S/Supt. Arnold Albis, pinuno ng RSOTG, sinabi nitong nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan ang hindi na pinangalanang mga pulis at nagpaputok pa ng baril.

Pawang naka-destino sa Cabangcalan detachment sa bayan ng Placer ang mga ito kung saan isang kasamahan nila ang nagreklamo kay Albis.

Nakatakdang bigyan ng kaukulang parusa ang mga ito oras na makumpirma sa imbestigasyon na totoong nagkasala ang lima.

Samantala, ikinagulat din ni Albis maging ni PNP provincial director S/Supt. Heriberto Olitoquit ang alegasyon ng ilang pulis mula Naga City na umano’y ginugutom sila at hindi nabibigyan ng sapat na pagkain.