Injured | Killed |
---|---|
8 | 5 |
Date: 13 May 2013
Source: Bombo Radyo
ZAMBOANGA CITY – Limang katao ang patay habang sugatan ang walong iba pa sa hiwalay na insidente ng pamamaril sa bayan ng Bayog, Zamboanga del Sur.
Tatlo ang nasawi habang walong iba pa ang sugatan sa nangyaring pamamaril ng armadong grupo sa isang gusali sa may Purok 4, Buboan, Bayog sa Zamboanga del Sur.
Sa pakikipag-ugnayan kay Insp. Gaspar Gadingan, hepe ng Bayog municipal police station, sinabi nito na humingi ng tulong kaninang umaga ang mga residente sa lugar sa mga pulis na nagbabantay sa Buboan Elementary School habang naghihintay sa pagbubukas ng mga presinto kanina at kaagad ding rumisponde sa lugar ng insidente ang otoridad.
Nabatid na sa loob ng Bauso building ang mga biktima nang lumitaw ang armadong kalalakihan saka pinagbabaril ang mga biktima.
Kinilala ni Gadingan ang mga namatay na biktima na sina Dionisio Manos Andinas, 67; Vivencio Balido Calgas, 47; ang ang binatang si Julito Isig Tungcasan 20, lahat residente ng nabanggit na barangay.
Agad binawian ng buhay ang tatlong mga biktima sa dami ng mga tama ng matataas na kalibre ng baril na tinamo ng mga ito sa katawan.
Kasalukuyan namang ginagamot sa ospital ang walong sugatang biktima.
Naglunsad ng pursuit operation ang tropa ng PNP at militar laban sa mga tumakas na suspek.
Paniwala naman ng mga otoridad, posibleng nagsasagawa ng pagpupulong ang mga biktima sa nasabing gusali na may kaugnayan sa eleksyon ngayong araw na posibleng motibo sa pamamaril.
Dalawa naman ang namatay sa sunod-sunod na pamamaril ng armadong grupo sa lalawigan ng Zambonaga del Sur.
Batay sa report mula sa Bayog municipal police station, nangyari ang pamamaril pasado alas-9:00 ng umaga kanina partikular sa Purok 7, Barangay Kahayagan kung saan bigla na lamang pinagbabaril ng mga suspek ang dalawang biktima.
Kaagad binawian ng buhay sina sina Dexter Calunsag, 20, at ang 22-anyos na si Michael Mendosa, mga residente ng mismong barangay.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya sa panibagong insidente ng pamamaril sa lugar. (MRDS)