5 huli sa pagbugbog sa brgy. official habang nasa kampanya

Injured Killed
1 0

Date: 30 April 2013
Source: Bombo Radyo

NAGA CITY – Arestado ang limang katao matapos mambugbog ng isang barangay official sa bayan ng Capalonga, Camarines Norte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PO2 Bryan Aure, kinilala nito ang mga suspek na sina Ildefonso Cuentas, 46; Noel Cuentas, 3; Rodolfo Jueves, 46; Antonio Juego Jr., 30, at Alberto Rojo, 21.

Patuloy namang pinaghahanap ngayon ang tatlong iba pa na kasama rin sa nambugbog kay Brgy. Kagwad Christopher Guising.

Naganap ang pangyayari habang may nangyayaring campaign sortie sa Barangay Mataque sa naturang bayan.

May binugbog umanong isang binata ang mga suspek na humingi naman ng tulong kay Guising na noo’y lumabas lamang sa nagaganap na pagtitipon upang umihi.

Nang komprontahin umano ng biktima ang mga suspek ay siya ang pinagbalingan ng mga ito at pinagbubugbog.

Kasong direct assault ang isinampa sa nasabing mga kalalakihan na pansamantalang nakalaya matapos makapagpiyansa.