4 sugatan sa pamamaril sa Zamboanga del Sur

Injured Killed
4 0

Date: 02 May 2013
Source: Bombo Radyo

ZAMBOANGA CITY- Apat katao na ang nasugatan, kabilang ang isang menor de edad sa patuloy na insidente ng pamamaril sa iba’t-ibang lugar sa lalawigan ng Zamboanga del Sur.

Sa report ng Dimataling municipal police station, bandang alas-10:00 ng gabi nang mabaril ang dalawang biktimang sina Haron Tapia Dagadas, 40 at si Madato Dalinding, 30, sa Brgy. Mahayag sa bayan ng Dimataling.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na lasing na lasing umano ang dalawang biktima habang dumadaan sa naturang lugar at nagyaya ng suntukan sa mga residente.

Makalipas ang ilang minuto, bigla na lamang pinagbabaril ng hindi nakilalang salarin ang dalawa.

Makalipas ang kalahating oras, pinagbabaril naman ng mga armadong lalaki ang isang bahay kung saan natutulog dalawang biktima na nakilalang sina Lowena Pugoy Uba, 27 at ang isang menor de edad sa Purok 5, Barangay Libertad ng nasabing bayan.

Sa tulong ng ilang nakasaksi, nakilala ang dalawa sa mga suspek na siya umanong nagpasimuno sa pamamaril.

Agawan sa lupa ang isa sa mga nakikitang motibo ng otoridad sa insidente.

Patuloy na ginagamot sa magkahiwalay na ospital ang mga biktima habang tinutugis ng pulisya ang mga tumakas na suspek. (MRDS)