‘4 sa 10 RMNLF, pinugutan ng ulo ng ASG

Injured Killed
0 10

Date: 03 February 2013
Source: Bombo Radyo

(3rd Update) ZAMBOANGA CITY – Tuluyan na umanong pinugutan ng ulo ng Abu Sayyaf Group (ASG) ang apat sa 10 napaulat na pinatay na mga miyembro ng Rouge Moro National Liberation Front (RMNLF).

Kaugnay pa rin ito sa nangyayaring sagupaan mula pa kaninang umaga sa Patikul, Sulu.

Ayon kay P/Supt. Glenn Gapor, officer-in-charge (OIC) ng Sulu Police Provincial Office, maliban sa limang mga MNLF members na napaulat na nasawi sa engkuwentro, hindi pa nila mabatid sa ngayon kung ilan din ang napatay sa panig ng ASG.

Sinabi ni Gapor na na nagpapatuloy pa hanggang sa mga oras na ito ang bakbakan sa pagitan ng dalawang grupo.

Kaugnay nito, nananatiling nakaalerto ang pulisya at ang militar sa lalawigan.

Napag-alaman na ang engkuwentro ng MNLF at ng bandidong grupo ay resulta umano sa hindi pagkakaunawaan hinggil sa napalayang dalawang Filipino TV crew ng Jordanian journalist sa lalawigan kagabi.

Unang naiulat na 10 ang nasawi sa nangyaring engkuwentro sa pagitan ng Moro National Liberation Front (MNLF) at ASG.

Sa impormasyong natanggap ng Bombo Radyo mula sa Philippine Marines, nakalaban ng MNLF ang grupo ni ASG leader Radullan Sahiron na siyang may hawak sa dinukot na journalist na si Baker Atyani at dalawang Filipino crew.

Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay Western Mindanao Command Commander Lt. Gen. Rey Ardo , sinabi nito na kagabi pa pinalaya sa isang lugar sa Sulu ang dalawang Pinoy na sina Ramelito Vela, isang cameraman; at Buboy Letrero, isang audioman.

Pasado alas-9:00 kagabi aniya nang mai-turnover ang dalawang bihag sa kamay ng mga otoridad at kasalukuyang nananatili sa kustodiya ng Anti-Kidnapping Group (AKG) ng PNP.

Dagdag pa ni Ardo, hindi kasamang pinalaya ang Jordanian journalist na si Baker Atyani na hanggang sa ngayon ay hawak pa rin ng ASG sa probinsya ng Sulu.

Napag-alaman na humihingi ng P20 million na ransom demand ang mga kidnappers kapalit ng kanilang kalayaan.

Dumating sa Sulu ang crew ng Jordanian journalist noong June 11, 2012 upang mainterbyu sana ang ilang personalidad ng bandidong grupo.