4 na armadong lalaki pinuntahan si Lozada sa bahay

Injured Killed
0 0

Date: 08 February 2013
Source: Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines – Apat na armadong lalaki na nagpanggap na mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang umano’y bumisita at nanakot ng mga kasambahay ni Rodolfo “Jun” Lozada Jr. noong Huwebes ng gabi.

Sinabi ni Father Marlon Lacal, executive secretary ng Association of Major Religious Superiors of the Philippines (AMRSP), sa isang panayam sa dzMM na dumating ang apat na armadong kalalakihan sa bahay ni Lozada bandang alas-6 ng gabi.

Binantaan umano ng mga armadong lalaki ang mga kasambahay ni Lozada na aarestuhin sila kung hindi ituturo ang kinaroroonan ng NBN-ZTE deal whistleblower na si Lozada.

“Wala doon si Jun kaya ang mga hinarass ay ‘yong mga kasambahay ni Jun. Sinabihan na kung hindi sila magsasabi kung nasaan si Jun, sila ‘yong ipapakulong,” pahayag ng pari sa radio dzMM.

Nang mapag-alaman ni Lacal ang nangyari, kaagad niyang itinext si Justice Secretary Leila de Lima at itinanong kung nagpadala ba siya ng mga NBI agents.

“Ang sabi ni Secretary De Lima, ‘Father wala pa po akong ipinadalang NBI agents ngayon. Mga impostor ‘yan,'” sabi ni Lacal.

Sinabi ni Lozada nasa kustodya siya ngayon ng AMRSP kasama ang kanyang buong pamilya.

Iniutos ng Sandiganbayan ang pag-aresto kay Lozada dalawang linggo ang nakakaraan dahil sa kasong graft kaugnay ng umano’y pagbibigay ng leasehold rights sa kanyang utol at isang pribadong kumpanya na may koneksyon sa kanyang asawa habang siya ang president at chief executive officer ng Philippine Forest Corp. noong 2009.

Si Lozada ay isa sa mga pangunahing testigo ng gobyerno sa kasong graft laban kina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, dating first gentleman Jose Miguel Arroyo, dating pinuno ng Commission on Elections na si Benjamin Abalos, dating Transportation secretary Leandro Mendoza at dating hepe ng National Economic and Development Authority na si Romulo Neri kaugnay ng maanomalyang $329-milyon NBN project na pinirmahan ng gobyerno at ZTE Corp. ng China noong 2007.