3 magsasaka sugatan sa pananaksak sa Zamboanga City

Injured Killed
3 0

Date: 12 February 2013
Source: Bombo Radyo

ZAMBOANGA CITY – Sugatan ang tatlong magsasaka makaraang aksidenteng masaksak ng mismong anak ng isa sa mga naging biktima habang nag-iinuman ang grupo sa may Barangay Calabasa sa Zamboanga City. Nakilala ang mga biktima na sina Fernando Aragon Orquijo, 51; Edison Rojas Ituralde, 23, at si Hernanito Havier Natividad, 36, na pawang mga magsasaka ng naturang lugar. Batay sa report ng pulisya, mismong ang anak ng 51-anyos na biktima na kinilalang si Johan Aragon ang nakasaksak sa kanyang ama at sa dalawa pang biktima. Lumalabas din sa imbestigasyon ng mga otoridad na nag-iinuman ang mga biktima at ang suspek kasama ang kanilang mga misis kagabi at sa kalagitnaan ng kalasingan ay nagkaroon umano ng hindi pagkakaunawan sa pagitan ng suspek at ng isa sa mga babae sa grupo. Nang bumunot ng kutsilyo ang suspek, sinubukan naman siyang harangin ng kanyang ama kaya ito ang nasaksak. Nadamay ang dalawa pang biktima nang sinubukan din nilang kontrolin ang suspek. Kaagad namang nakatakas ang suspek na patuloy pa ring pinaghahanap ngayon ng mga otoridad. Kasalukuyang naka-confine ngayon sa Zamboanga City Medical Center ang mga biktima. (MRDS)