Injured | Killed |
---|---|
3 | 0 |
Date: 21 June 2013
Source: Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines – Pinakakasuhan at pinatitiyak ni Manila Mayor Alfredo Lim sa Manila Police District-Station 7 na hindi makapagpipiyansa ang nadakip na serial rapist-holdaper kasabay ng panawagan na rin sa iba pang biniktima nito na lumantad at ipagharap ng kaso ang suspect.
“May iba pa itong ni-rape, naghihintay pa kami ng mga complainant sa presinto, bukod sa dalawa nang biniktima nito,” pahayag ni Supt. Roderick Mariano.
Nabatid na nahaharap na sa kasong rape at attempted rape ang suspect na si McYoren Rapis, 23, tricycle driver, alyas Boy P at residente ng Maliklik St., Gagalangin, Tondo, Maynila.
Maliban sa mga biktimang sina Jenny at Giselle, isang 27-anyos namang registered nurse, ng Maynila ang lumutang at positibong itinuro ang suspect na siyang humoldap sa kanya noong nakaraang Lunes ng gabi.
Nabatid sa rekord ng Rehabilitation Action Center (RAC) ng Manila Social Welfare Department na napiit din si Rapis nang ito ay mahuli sa kasong iligal na droga nang siya ay menor-de-edad pa.
Umamin naman ang suspect na pinagtangkaan niyang gahasain si Jenny subalit itinanggi nito na siya ang gumahasa kay Giselle, 22, isang pharmacy assistant, noong Hunyo 12, sa bangketa ng J. Abad Santos Avenue sa Tondo, dakong alas-12:30 ng madaling-araw.
“Sa may bangketa niya ginahasa ’yung anak ko, ibinaba niya ’yung slacks at doon sa mga may nakaparadang sasakyan, sinira pa niya ang damit bago niya iniwan, kaya hindi nakalaban ay sinikmuraan niya,” pahayag ng ina ni Giselle.
Si Jenny naman ay kinalawit habang mag-isang naglalakad at hinila papasok sa nakaparadang jeep at doon tinutukan ng patalim nitong Hunyo 18, subalit nasipa niya ang suspect habang humahalik kaya nakatakbo at nakahingi ng saklolo sa mga barangay tanod.
Hinabol ng mga nagpapatrulyang barangay tanod ang suspect na naglaho sa Barangay 184, pero nang panoorin ng mga opisyal ng barangay ang CCTV record, nakilala ang suspect bago inimbitahan sa barangay at saka itinurn-over sa pulisya.
Iniutos naman ni Lim na tiyakin na hindi makakapagpiyansa ang suspect sa mga kasong isasampa laban dito.