Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 30 November 2013
Source: Pilipino Star Ngayon
MANILA, Philippines – Kalunus-lunos na kamatayan ang sinapit ng 3-anyos na nene na sinasabing maysakit matapos itong bugbugin ng madrasta dahil sa kaiiyak ng bata kahapon sa Barangay Sacsac, bayan ng Dalaguete, Cebu.
Sa phone interview, kinilala ni PO2 Reynaldo Vegas ang biktima na si Keirstine Ashley Gesapine Dayangco na namatay kahapon ng madaling-araw sa Julio Cardinal Rosales Memorial Hospital.
Tanging ang 4-anyos na nakatatandang kapatid na babae ng biktima ang testigo sa pananakit ng suspek na si Anamarie Mier, 19.
Nabatid na noong Huwebes ng hapon ay narindi ang buntis na si Anamarie sa kaiiyak ng biktima na dinapuan ng pneumonia.
Nagalit ang suspek dahil hindi ito makatulog kaya kumuha ng kahoy at maka-ilang ulit na hinambalos ang biktima hanggang sa kapusin ng paghinga kaya isinugod ito sa ospital.
Napag-alaman na ang ma-utol na babae ay anak sa unang asawa ng mister kung saan naiiwan sa pangangalaga ng suspek.
Sa presinto, inamin naman ng suspek na sinaktan niya ang bata pero hindi naman umano ito gaanong malakas na nagawa lamang niya dahil hindi ito mapahinto sa kaiiyak.
Gayon pa man sa pagsusuri ng mga doktor na kumplikasyon sa pneumonia ang ikinamatay ng biktima na pinatindi pa ng pambubugbog ng suspek.