3-anyos at 8-anyos, ni-rape bago pinat sa Zamboanga del Sur

Injured Killed
0 2

Date: 26 February 2013
Source: Bombo radyo 2/25/2013

3-anyos at 8-anyos, ni-rape bago pinat sa Zamboanga del Sur

ShareThis

ZAMBOANGA CITY – Puno ng sugat at bugbog sa iba’t ibang parte ng katawan at wala nang saplot sa katawan nang matagpuan ang bangkay ng tatlong taong gulang na batang babae at ang pinsan nitong walong taong gulang dalagita na ginahasa bago ang karumal-dumal na pagpatay sa mga biktima sa may Barangay Limas sa bayan Tigbao, Zamboanga del Sur.

Kinilala ang nakababata na si Meljoy Tejada Delantar at ang pinsan nitong si Marrytis Tejada Buhayan, 8.

Sa panayam ng Bombo Radyo Zamboanga kay S/Insp. Norbert Velonza, ang hepe ng Tigbao municipal police station, sinabi nito na Sabado ng hapon pa nang umalis sa kanilang bahay ang dalagita kasama ang 3 taong gulang nitong pinsan para mag-igib ng tubig.

Nagtaka na lamang umano ang mga magulang ng dalawang bata dahil hindi na nakabalik ang mga ito sa kanilang bahay.

Bandang alas-6:00 kagabi nang makita ang bangkay ng dalawang biktima sa mga damuhan sa hindi kalayuan sa kanilang mismong bahay.

Narekober sa lugar ng insidente ang isang bato na may bigat na isang kilo na siyang ginamit umano sa pagpatay sa dalawang bata.

Sinabi ni Velonza na binagsakan ng bato sa ulo at mukha ang dalawa base na rin sa mga grabeng sugat na tinamo nila na naging sanhi ng kanilang kamatayan.

Nakuha rin ng mga pulis ang isang kulay orange na T-shirt sa lugar ng insidente na may mga bahid ng dugo.

Sa tulong ng mga residente sa lugar, kinilala ang suspek na si Sabate Cobio alyas ‘Tata’ na siyang nakita umanong nagsusuot sa nakitang T-shirt bago nawala ang mga biktima.

Sa isinagawang examination sa bangkay ng dalawang biktima ng Municipal Health Office ng Tigbao, lumalabas sa resulta na positibong ginahasa ang mga ito.

Hindi na naabutan ng mga pulis ang suspek na kaagad nakatakas pagkatapos ng karumal-dumal na krimen.

Napag-alaman ng pulisya na si Cobio ay pansamantalang nakatira sa bahay ng kanyang tiyahin sa nasabing lugar at residente umano ng Pagadian City na nahaharap din sa warrant of arrest sa kasong carnapping doon.

Ayon kay Velonza, nakikipagtulungan na ngayon ang PNP at militar sa iba’t ibang lungsod at lalawigan para maaresto sa lalong madaling panahon ang nakatakas suspek. (MRDS)