Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 27 September 2013
Source: Bombo Radyo
LOILO CITY— Kalunos-lunos ang sinapit ng 24-anyos na dalaga matapos hinalay at pinatay sa Brgy. Cauayan, Pototan, Iloilo.
Ang biktima na kinilalang si May Ann Gumban, residente ng nabanggit na lugar at nagtatrabaho bilang receptionist sa isla ng Boracay ay natagpuan na lamang ng kanyang pamilya sa liblib na lugar na walang saplot at isa ng malamig na bangkay.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa tiyahin ng biktima na si Gng. Jean Dalla, noong nakaraang araw lang nang umuwi sa kanilang lugar ang biktima kung saan namasyal ito sa bahay ng kanyang lola, tinatayang nasa isang kilometro ang layo sa kanilang bahay.
Nang dumating ang gabi, hindi na nakauwi ang biktima subalit inakala lang ng kanyang magulang na natulog ito sa bahay ng kanyang lola o sa kanyang boyfriend sa katabing barangay.
Subalit nang kanilang inusisa at nalaman na wala doon ang biktima, doon na nila ito hinanap at kinaumagahan natagpuan na lang ito na wala nang buhay at walang saplot, tinatayang nasa 150 metro lang ang layo sa kanilang bahay.
Ang biktima ay pinatay sa sakal kung saan nasa leeg pa nito ang baging at sleeveless shirt, na siyang ginamit sa pagsakal dito habang nasa tabi naman ng bangkay nito ang kanyang mga gamit.
Ang katawan ng biktima ay puno ng pasa mula sa kanyang mukha, dibdib, braso at dalawang hita.
Pinaniniwalaang hinarang ang biktima ng nasa tatlong suspek habang pauwi na.
Napag-alaman na base sa paglalarawan ng tiyahin nito, maputi at maganda ang biktima.
May suspek na ang pamilya ngunit tumangging magbigay ng pangalan at umaasang sana raw hindi patulugin ang mga ito ng kanilang konsensya.