2 tumakbong brgy. councilor sa Quezon, nagpakamatay sa pangambang matalo

Injured Killed
0 2

Date: 29 October 2013
Source: Bombo Radyo

NAGA CITY – Pinaglalamayan na ngayon ang dalawang kumandidatong barangay kagawad sa katatapos pa lamang na barangay election matapos magpakamatay sa magkahiwalay na bayan sa lalawigan ng Quezon.

 

Kinilala ang isa sa mga biktimang si incumbent Barangay Councilor Rolando Larosa, 40,ng Barangay Mayabobo, Candelaria, Quezon.

 

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay SPO1 Joseph Ramirez, sinabi nito na pasado alas 5:40 ng umaga sa mismong araw ng halalan, natagpuan ang wala nang buhay na katawan ni Larosa, 15 metro mula sa kanilang bahay.

 

May tama ito ng bala ng baril sa kaniyang ulo na pinaniniwalaang pinadaan mula sa bibig.

 

Naniniwala naman ang misis ng biktima na ang labis na pangambang matalo sa eleksyon ang nagtulak sa opisyal upang kitilin ang sarili.

 

Maliban sa baril na ginamit sa pagpapakamatay, nakuha rin sa tabi ng bangkay ng biktima ang maikling suicide note na humihingi ng tawad sa kaniyang maybahay at sa nakaupo nilang barangay chairman.

 

Samantala, pasado alas-7:20 naman ng umaga sa parehong araw sa Barangay Banilad, Tayabas City natagpuan ang bangkay ng tumakbong barangay kagawad sa lugar na si Rodelito Castillo, 35.

 

Ayon kay SPO1 Epifanio Malvar, isang residente umano ang nakakita sa bangkay ng biktima na nakabitin sa puno ng Lanzones.

 

Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na may tama rin ng bala ng kalibre .38 revolver sa kaniyang kaliwang dibdib si Castillo na siyang naging sanhi ng kaniyang kamatayan.

 

Batay sa pahayag ng mga kapamilya ng biktima, ilang araw na umano itong nakitaan ng senyales ng depresyon sa pag-aalalang siya ay matalo sa halalan.