2 sugatan sa tangkang panghoholdap sa bus ng 3 kabataan

Injured Killed
2 0

Date: 01 May 2013
Source: Bombo Radyo

NAGA CITY – Pinaghahanap ngayon ng mga otoridad ang tatlong kabataang nagtangkang mangholdap sa bayan ng San Narciso, Quezon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay S/Insp. Milo Tabernilla, hepe ng PNP-San Narciso, sinabi nito na sumakay sa RR Bus Liner Digos Central ang tatlong mga binatilyo at nang sumapit sa boundary ng San Narciso at San Andres ay saka nagdeklara ng hold-up.

Armado umano ang isa sa kanila ng isang improvised na baril na siyang ipinangpokpok sa driver ng bus na si Renato Evira at sa inakala nitong konduktor ngunit pasahero pala na si Bienvenido Omas.

Pwersahan umanong hiningi kay Omas ang pera nito ngunit nang tumanggi ang biktima ay dali-dali ring tumakas ang mga suspek.

Paniwala ni Tabernilla, baguhan ang mga suspek at walang ibang puntirya kundi ang pera sanang hawak ng konduktor.

Maswerte namang walang ibang nasaktan sa 16 na pasahero ng bus.

Patuloy namang inaalam ang pagkakakilanlan sa mga suspek na nakilala umano ng tsuper ng bus dahil sa kawalan ng takip sa mukha.