Injured | Killed |
---|---|
0 | 1 |
Date: 05 July 2013
Source: Bombo Radyo
KALIBO, Aklan – Humingi ng tulong sa Bombo Radyo Kalibo ang dalawa sa anim na itinuturong suspek sa kontrobersiyal na rape-slay case sa Aklan.
Sa exclusive interview ng Bombo Kalibo, nagpahayag ng kahandaan sina Lindley Yufano at Salcedo Tomulog na humarap sa imbestigasyon upang linisin ang kanilang pangalan sa kaso ng panggagahasa at brutal na pagpatay sa 26-anyos na si Leah Lee Cipriano, residente ng Brgy. Estancia, Kalibo.
Sina Yufano at Tomulog kasama sina Reden Tomulog, Edwardo Macawili Jr, Geneses Pu-od at ang sumuko sa otoridad na si Edward Macawili ay kinasuhan ng rape with homicide sa Aklan Prosecutor’s Office ng Task Group Leah Lee ng Aklan Police Provincial Office (APPO).
Matapos na mapabalitang missing noong Mayo 22, ang bangkay ng biktima ay natagpuang naaagnas na sa bulubunduking bahagi ng Sitio Ilaya, Brgy. Agbalogo, Makato, Aklan noong Hunyo 22.
Ang kanyang leeg at katawan ay tinalian ng lubid at inilagay sa sako bago inilibing sa hukay.
Ayon sa dalawang suspek, mahigpit nilang itinatanggi na may kinalaman sila sa krimen.
Nasorpresa umano sila nang isangkot ni Macawili ang kanilang pangalan sa insidente.
Hindi na umano sila makatulog sa kaiisip kung bakit kabilang sila sa mga kinasuhan.
Maliban dito, apektado na umano ang kanilang pamumuhay dahil sa kahihiyang idinulot ng insidente sa kanilang pamilya.
Haharapin na lamang umano nila ang kaso upang mapatunayang sila ay inosente.