2 pumalag sa holdaper, niratrat

Injured Killed
2 0

Date: 12 June 2013
Source: Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines – Dalawa-katao ang na­sugatan kabilang ang 19-anyos na dalagang nasa kritikal na kalagayan matapos na pagbabarilin ng mga armadong holdaper sa Tabuk City, Kalinga kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga biktima na sina Maryjoy Shagan at Garry Dumallay, 23, kapwa naisugod sa Kalinga Provincial Hospital. Sa ulat ni P/Supt. Davy ­Vicente Limmong, spokesman ng Cordillera PNP, naganap ang insidente bandang alas-10 ng gabi sa Hilltop, Purok 6, Barangay Bulanao.

Sa imbestigasyon, naglalakad ang dalaga at kaibigan nitong si Medard Dammog sa madilim na bahagi nang harangin at  holdapin ng dalawang armado ng cal. 45 pistol.

Tinangkang pumalag ng dalaga matapos kunin ang kanilang cell phone at wallet na may lamang pera kaya nairita ang isa sa mga holdaper at binaril ito sa panga.

Samantala, habang papatakas ay nasalubong ng mga holdaper si Dumallay na sasaklolo sana sa biktima matapos na marinig ang putok kaya binaril din ito sa tuhod.