Injured | Killed |
---|---|
2 | 0 |
Date: 31 August 2013
Source: Bombo Radyo
(Update) BAGUIO CITY – Kasalukuyang ginagamot sa Baguio General Hospital and Medical Center (BGHMC) ang dalawang pulis na sugatan sa naganap na enkwentro sa pagitan ng mga otoridad at mga rebeldeng NPA sa Sitio Data, Barangay Aguid, Sagada Mt. Province.
Dumating kaninang magtatanghali sa nasabing pagamutan ang mga sugatang sundalo na naisakay sa chopper mula sa Mt. Province.
Ang mga ito ay nakilalang sina PO1 Primo Marcelo at PO1 Romel Saggot na nagtamo ng tama ng bala sa ibat-ibang bahagi ng kanilang katawan.
Ayon kay P/Supt. Davy Limmong, information officer ng Cordillera PNP, isinagawa ang clearing operation sa lugar na pinangyarihan ng enkwentro.
Inaalam nila kung may sugatan sa panig ng NPA.
Una rito, nagsimula ang engkwentro alas-7:40 ng umaga sa pagitan ng pinagsanib ng puwersa ng Regional Public Safety Company ng Cordillera PNP at Philippine Army kontra sa 25 hanggang 30 miyembro ng Kilusang Guerilla Marco ng NPA, matapos makubkob ng mga otoridad ang kuta ng mga ito.
Ang nasabing mga rebelde ang grupong responsable sa pag-ambush sa mga nagsasanay na pulis sa Tadian, Mt. Province noong Hunyo na kinamatay ng isang pulis at ikinasugat ng siyam na iba pa.