2 PSG na nangholdap, bihasa sa gawain – NCRPO

Injured Killed
0 0

Date: 25 May 2013
Source: Bombo Radyo

Desidido ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na sampahan ng kasong kriminal ang dalawang naarestong miyembro ng Presidential Security Group (PSG) na sangkot sa panloloob sa isang auto shop sa Fairview, Novaliches sa Quezon City.

 

Ayon kay NCRPO chief Director Leonardo Espina, batay sa istilo na ginawa ng dalawang sundalo, tila bihasang-bihasa sina Sgt. Marvin Gatan at Cpl. Bobby Ates sa ginawa ng mga itong pambibiktima sa mga sibilyan na dapat sana’y kanilang pinoprotektahan.

 

Naniniwala si Espina na malaki ang posibilidad na hindi ito ang unang pagkakataong ginawa ng dalawang sundalo ang naturang krimen na bukod sa kasong robbery at illegal possession of firearms ay posibleng masibak pa sa sebisyo.

 

Samantala, wala namang pag-alinlangan ang guard ng auto shop na si Manolo Pontes na sina Gatan at Ates ang dalawa sa limang suspek na pumasok sa binabantayan niyang shop.

 

Nanawagan naman si Espina sa mga posibleng nabiktima nina Gatan at Ates na magtungo sa kaniyang tanggapan upang mas dumami pa ang mga complainant.

 

Nagpaliwanag naman si PSG commanding general B/Gen Ramon Mateo Dizon, na isolated case lamang ang dalawang nasangkot sa iskandalo dahil nasa 2,000 ang miyembro nila.

 

Liban dito, ang mga akusado ay naka-assign bilang administrative staff at hindi closed-in security ng Pangulong Noynoy Aquino.

 

Ang presidente ay nag-atas na rin umano sa kanya na i-update lagi sa kaso.

 

Tuloy tuloy din umano ang kanilang pakikipagtulungan sa Quezon City police at sinusuportahan nila ito sa kanilang imbestigasyon.

 

Kasabay nito, tiniyak pa ng heneral na hindi niya kukunsintihin ang anumang iligal na gawain sa kanilang hanay lalo na at mabigat ang kanilang pamantayan sa mga tauhan na naatasang magbantay sa first family at sa “seat of government.”