2 patay sa pananambang sa Cabugao, Cauayan City

Injured Killed
0 2

Date: 30 November 2013
Source: Bombo Radyo

CAUAYAN CITY, Isabela – Patay ang isang natalong kandidato sa pagka-barangay kapitan noong nakaraang barangay election at kanyang kasama matapos silang barilin ng maraming beses habang naglalakbay sakay ng jeep sa Cabugao, Cauayan City.

 

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Supt. Mariano Rodriguez, hepe ng Cauayan City Police Station, kinilala niya ang mga biktima na sina Rogelio Jose, 50, magsasaka, tumakbong barangay kapitan ng Guilingan, Benito Soliven, Isabela at SI Rogelio Balelo, 26, magsasaka, kapwa residente ng Barangay Guilingan.

Kapwa dead-on-the-spot ang dalawa matapos barilin ng maraming beses habang pauwi sa kanilang barangay sa bayan ng Benito Soliven sa pamamagitan ng pagtahak sa daan sa forest region ng lungsod.

Ayon kay Rodriguez, nagsasagawa na sila ng masusing imbestigasyon para matukoy ang mga salarin at kung ano ang motibo sa pagpatay sa kanila.

Noong Oktubre 27, 2013 ay nakaligtas sa kamatayan si Rogelio Jose matapos saksakin sa kanyang leeg ng nakikilalang suspek na si Atong Aribbay ng Villa Concepcion, Cauayan City habang naghihintay sa terminal ng mga sasakyan patungong forest region ng Cauayan City.

Nilapitan siya umano ni Aribbay mula sa kanyang likuran at sinaksak ng isang beses sa kanyang leeg.

Nakaligtas sa kamatayan si Jose matapos lapatan ng lunas sa Gov. Faustino N. Dy Memorial Hospital sa Ilagan City.