2, patay sa magkahiwalay na pag-atake ng riding-in-tandem sa Metro Manila

Injured Killed
0 2

Date: 26 December 2013
Source: GMA News

Isang babaeng papunta sa bangko at isang dating barangay tanod na naghihintay ng masasakyan ang napatay sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril ng mga suspek na nakasakay sa motorsiklo sa Makati at Quezon City nitong Huwebes.

Sa ulat ng GMA News TV’s “Balita Pilipinas Ngayon,” sinabi ng isang saksi na ang biktimang babae sa Makati City ay naglalakad sa gilid ng kalsada nang biglang hintuan ng dalawang suspek na nakasakay sa isang motorsiklo.

Inagaw umano ng isa sa mga suspek ang bag ng biktima pero nanlaban ito kaya binaril.

Ayon sa pulisya, empleyado ng isang sanglaan ang babae at papunta sa bangko para magdeposito ng P400,000.

Pero sa pagmamadali ng mga suspek, hindi nila tuluyang natangay ang pera ng biktima.



Inaalam ngayon ng mga pulisya kung inside job ang nangyaring krimen dahil tila alam umano ng mga suspek na may dalang malaking halaga ang biktima.

Sa Quezon City naman, binaril din ng dalawang suspek na nakasakay sa motorsiklo ang isang dating barangay tanod habang nag-aabang ng masasakyan sa EDSA, Veteran’s Village.

Sa hiwalay na ulat ng GMA news “24 Oras,” sinabing kagagaling lang sa salo-salo ng mga kaanak ang biktima at naghihintay ng masasakyan pauwi sa Laguna nang pagbabarilin ng mga tumakas na suspek.

Nadagdagan pa ang hinagpis ng mga kaanak ng biktima nang abutan ng malakas na buhos ng ulan ang mga labi nito sa gilid ng kalsada dahil natagalan ang pagdating ng mga imbestigador.

Inaasahan na makatutulong ang mga nakalagay na CCTV camera malapit sa pinangyarihan ng krimen para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek. — FRJ, GMA News