2 patay, P7-M natangay sa pagholdap sa mayor sa Bukidnon

Injured Killed
0 2

Date: 13 May 2013
Source: Bombo Radyo

(Update) CAGAYAN DE ORO CITY – Dalawa umanong katao ang namatay at umaabot sa P7 milyong cash money ang natangay ng anim na armadong kalalakihan na humarang sa convoy ng isang alkalde sa Brgy Bocboc, Don Carlos, Bukidnon.

 

Sa pananyam ng Bombo Radyo Cagayan de Oro, inihayag ni Bukidnon provincial police director S/Supt. Glenn De la Torre na kinilala ang biktima na si Mayor Julito Salahid, kasalukuyang alkalde sa bayan ng Kadingilan.

 

Ayon kay De la Torre, sakay umano ang biktima ng kanyang sasakyan kasama ang mga security escort nito nang biglang hinarang ng mga suspek at sapilitang kinuha ang isang bag na mayroong laman na P7 milyon na para sana sa kanyang watchers at ibang trabahante.

 

Nanlaban umano ang biktima dahilan upang matamaan ito sa kanyang kaliwang paa.

 

Naniniwala si De la Torre na may kaugnayan sa bangayan sa pulitika ang nangyari sa grupo ni Salahid.

 

Sa ibang ulat din na natanggap ng Bombo Radyo, patay umano ang dalawang katao may kaugnayan sa nangyaring insidente.

 

Subalit hindi mabatid kung ang mga nasawi ay nanggaling sa panig ni Salahid o sa grupo ng mga suspek.

 

Sa ngayon nagpapatuloy pa ang inilunsad na pursuit operation ng pulisya laban sa mga tumakas na suspek sa nasabing lugar.