2 pang PNP-SAF kabilang sa panibagong napatay sa Zamboanga standoff

Injured Killed
0 2

Date: 29 September 2013
Source: Bombo Radyo

ZAMBOANGA CITY – Dalawang mga kasapi ng Special Action Force (SAF) ng PNP ang nadagdag sa bilang ng mga nasawi sa tropa ng pamahalaan sa patuloy na bakbakan sa sa grupo ng Misuari faction ng MNLF.
 
Ayon kay C/Insp. Ariel Huesca, ang dalawang pulis ay malubhang nasugatan sa nangyaring engkuwentro kahapon ng hapon sa may Barangay Sta. Catalina at Barangay Sta. Barbara.
 
Sa ika-17 araw ng Zamboanga standoff, umaabot na sa 18 ang nasawi sa tropa ng pamahalaan.
 
Simula sa unang araw ng pag-atake ng mga rebelde hanggang sa kasalukuyan, umaabot na sa lima ang patay sa panig ng PNP habang nasa 14 ang sugatan at 13 naman sa AFP na may 140 sugatan.
 
Sa  mga rebelde naman sa record ng Police Regional Office (PRO-9), nasa 106 na ang patay, 24 ang sumuko at 108 ang captured.
 
Umaabot na rin sa 12 ang mga inosenteng sibilyan na nasawi sa mahigit kalahating buwan na pananatili ng mga rebeldeng MNLF sa lungsod kabilang na rito ang ilang hostage na tinamaan ng mga bala habang nasa kamay ng armadong grupo.
 
Sa kabuuan, umaabot na sa 139 ang namatay sa mahigit kalahating buwan na kaguluhan sa lungsod.
 
Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala ang mga Zamboanguenos na mangyayari ang ganitong karahasan sa lungsod na kumitil na sa maraming buhay. (MRDS)