Injured | Killed |
---|---|
0 | 2 |
Date: 03 June 2013
Source: Bombo Radyo
CAUAYAN CITY, Isabela – Dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang patay habang inaalam pa kung ilan ang sugatan sa magkasunod na engkuwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at rebeldeng grupo sa Kalinga at Lalawigan ng Ifugao.
Unang tinambangan ng hindi pa mabatid na bilang ng NPA ang tropa ng 53rd Reconaissance company habang nagpapatrolya sa hindi pa mabatid na lugar sa lalawigan ng Kalinga kagabi.
Kaagad namang nakaganti ng putok ang mga sundalo hanggang tuluyang umatras ang mga rebelde.
Walang naitalang nasugatan o namatay sa dalawang panig bukod sa pagkasira ng sasakyan ng mga sundalo.
Samantala, nabawi ng mga kasapi ng 54th Infantry Battalion ang anim na matataas na kalibre ng baril sa naganap na engkuwentro sa Butac, Aguinaldo Ifugao, kaninang madaling araw.
Nagresulta sa pagkakakapatay ng dalawang kasapi ng NPA ang matinding palitan ng putok ng dalawang panig kaninang alas-5:30 ng madaling araw.
Nasa 15 kasapi ng Kilusang Larangang Guerilla Margo na pinamumunuan ni alyas Libre ang nakasagupa ng tropa ng pamahalaan.
Kabilang sa mga nabawing baril sa pinangyarihan ng engkuwentro ang tatlong M16 rifle , dalawang M14 rifle at isang M203 grenade launcher.