2 menor de edad, biktima ng panggagahasa

Injured Killed
2 0

Date: 13 April 2013
Source: Bombo Radyo

CAUAYAN CITY, Isabela – Dalawang kaso ng panggagahasa ang naitala sa magkahiwalay na lugar sa Isabela.

Nauna rito, positibong ginahasa ang 16-anyos na dalagita ng 73-anyos na lalaki makaraang dalhin sa Echague District Hospital.

Dahil dito tuluyan nang naharap sa kasong panggahasa at nakakulong ngayon sa PNP San Isidro si Marcos Francisco, 73, residente ng Brgy. Gomez, San Isidro, Isabela.

Sa pagsisiyasat ng pulisya, naiwang mag-isa sa kanilang tahanan ang biktima na sinamantala ng pinaghihinalaan para isakatuparan ang panggagahasa.

Samantala, isa namang 14-anyos na dalagita ang biktima rin ng panggagahasa sa Cordon, Isabela.

Nakilala ang pinaghihinalaan na si Michael Briones, 28, nakatira sa Barangay Capirpiruan, Cordon, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, mariin namang pinabulaanan ni Briones na ginahasa niya ang biktima sa pagsasabing dalawang buwan na silang magkasintahan ng dalagita.

Anya, natakot lamang umano ang kanyang kasintahan kaya’t sinunod ang kagustuhan ng mga magulang na siya ay sampahan ng kaso makaraang maaktuhang nagtatalik sa tahanan ng biktima matapos mag-inuman.

Nakakulong na si Briones at nahaharap sa kasong panggagahasa.