2 magkamag-anak patay nang magbarilan dahil sa sintonadong kanta

Injured Killed
0 2

Date: 31 August 2013
Source: Bombo Radyo

ROXAS CITY – Patay ang dalawang lalaki matapos magbarilan dahil lamang sa sintonadong kanta sa videoke habang nasa perya sa Barangay Tuburan, Maayon Capiz.

 

Kaagad binawian ng buhay si Sonny Alba, 50, habang patay na nang makarating sa ospital ang nakaaway na si Ludie Deocampo, 33.

 

Sa inisyal na imbestigasyon ng Maayon police station, napag-alaman na nagsimula ang gulo nang pinuna ni Alba at pinalo ng dalang kalibre .38 na revolver ang kumakanta na si Rudy Ernesto dahil sa maling tono.

 

Nagalit lamang si Alba nang sawayin ni Deocampo na dating nagtatrabaho kay Ernesto.

 

Kaagad na binaril ni Alba si Deocampo na tinamaan sa hita, ngunit gumanti naman ang huli at binaril rin ang matanda gamit ang dala-dalang kalibre .22 na baril.

 

Nakatakdang isailalim sa postmortem examination ang bangkay ng dalawa na magkakamag-anak.