Injured | Killed |
---|---|
0 | 2 |
Date: 30 November 2013
Source: GMA News
Sa harap ng napapabalitang talamak na nakawan sa Tacloban City, dalawang lalaki ang binaril at napatay ng may-ari ng isang bodega ng mga sasakyan na kanila umanong pinagnakawan.
Sa exclusive report ni GMA News reporter Jun Veneracion sa 24 Oras nitong Huwebes, ipinakita ang nakahandusay na katawan ng isang lalaki sa basang lupa habang iniiyakan ng kaniyang mag-ina.
Nagmakaawa pa ang anak ng lalaki sa mga rumesponding pulis na tulungan ang kaniyang ama.
Ayon sa may-ari ng bodega, talamak ang ginagawang pagnanakaw sa kaniyang mga gamit at halos lahat ng sasakyan doon ay nawalan na ng baterya.
Ngunit paliwanag ng asawa ng lalaki, hindi magnanakaw ang kaniyang mister at inihahanda lang nila ang kaniyang sinasakyan na pedicab.
Sa ibang parte naman ng bodega nakita ang bangkay ng isa pang lalaki. May gulok na makikita sa tabi ng bangkay nito.
May isang oras umano ang pagitan ng insidente ng pamamaril.
Sa kabila ng depensa ng may-ari ng bodega, sinabi ng pulisya na iimbestigahan pa rin ang insidente. Lisensiyado naman umano ang baril na ginamit sa pamamaril.
Galit naman ang mga tao na nasa labas ng bodega dahil sa nangyari sa dalawang biktima. —FRJimenez, GMA News