2 kompaniya ng pineapple at banana plantation, sinunog ng NPA; militar kinondena ang NPA attack

Injured Killed
0 0

Date: 15 April 2013
Source: Bombo Radyo

CAGAYAN DE ORO CITY – Muli na namang umatake ang grupo ng New People’s Army (NPA) sa dalawang lalawigan sa Hilagang Mindanao.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cagayan de Oro, inamin nang nagpakilalang Communist Party of the Philippines-New People’s Army – National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) North Central Mindanao spokesman Jeorge Madlos alyas Ka Oris na sinunog ang packing house ng kompaniyang Agrinanas Development Company, Inc sa Barangay Kapehan, Libona, Bukidnon kaninang madaling araw.

Ayon kay Ka Oris, sumunod na sinunog din ng kanilang mga tauhan ang heavy equipment na pagmamay-ari naman ng kompaniyang Dole Philippines sa Barangay Mat-i, Claveria, Misamis Oriental.

Hinaras din umano nila ang Cafgu detachment sa nasabing lugar.

Naglunsad din sila ng random checkpoints sa ilang barangay ng Bukidnon at Agusan del Norte.

Mayroon din umano silang nahuling isang Cafgu member at nakunan pa ng dalawang kalibre ng baril.

Inihayag pa ni Ka Oris na ang ginawa nilang pag-atake sa mga malalaking kompaniya ng saging at pinya sa Mindanao ay hudyat umano ng “malaking pagpaparusa sa mga multi-companies na responsable sa pagsira ng kalikasan.”

Samantala, inihayag naman ni 4th ID acting spokesman Capt Christian Uy na ang ginawa ng mga rebelde ay pagpapakita ng kanilang pagkadesperado sapagkat ang mga “soft target” lamang ang kaya ng mga NPA na atakehin.

Sinabi ni Uy na dapat kaharapin ng NPA ay ang mga sundalo dahil mayroon itong sapat na panlaban sa mga ginagawa nitong karahasan.

Sa ngayon, patuloy ang pursuit operation laban sa mga patakas na mga rebelde.