2 Cafgu patay sa pangha-harass sa Army detachment

Injured Killed
0 2

Date: 18 February 2013
Source: Bombo Radyo

KORONADAL CITY – Patay ang dalawang kasapi ng Cafgu sa magkasunod na nangyaring panghaharas at pananambang ng mga armadong grupo sa Barangay Kimlawis, Kiblawan, Davao del Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Capt. William Alfredo Rodriguez, spokesman ng 1002nd Brigade, Philippine Army na unang namatay sa ginawang pangha-harass ng mga armadong grupo alas-6:45 ng umaga kahapon ang Cafgu na kinilalang si Arnel Hemotile habang nagbabantay sa Army detachment sa nasabing lugar.

Ayon kay Rodriguez, isang sniper umano ang pumuntirya kay Hemotile na naging dahilan ng agaran nitong kamatayan.

Samantala, habang ibinababa mula sa detachment ang bangkay ni Hemotile sa pangunguna ni Capt. Wayagway, tinambangan umano ang mga ito dakong alas-2;45 kahapon ng hapon ng hindi mabilang na armadong kalalakihan sa Sitio Nabol, Barangay Kimlawis, Kiblawan, Davao del Sur.

Nangyari ito habang dinadala ang bangkay ng namatay na Cafgu sa Barangay Poblacion ng nasabing bayan.

Inihayag ni Rodriguez na tumagal ng halos 25 minuto ang engkwentro sa pagitan ng mga armadong grupo at mga sundalo na naging dahilan ng pagkasawi ng isa pang Cafgu member na kinilalang si Reynaldo Timpla.

Sa ngayon nagpapatuloy ang pursuit operation ng mga sundalo sa nasabing mga armadong kalalakihan.

Nakahimlay naman ang bangkay ng dalawang Cafgu sa Collado Funeral Hall sa Barangay Poblacion, Kiblawan, Davao del Sur.