2 barangay tanod, hinoldap na, binaril pa sa loob ng paaralan

Injured Killed
1 0

Date: 31 August 2013
Source: Bombo Radyo

NAGA CITY – Patuloy pa rin ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa pagkakatukoy sa mga salarin sa panghoholdap at pamamaril sa isang paaralan sa elementarya sa Candelaria, Quezon.

 

Napag-alaman na nangyari ang insidente bandang ala-1:00 ng madaling araw sa ikalawang palapag ng isang gusali ng Bukal Sur Elementary School.

 

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Naga, nabatid na habang nasa duty ang dalawang barangay tanod na sina Cipriano Molina, 51, at Sergio Batocabe, 47, kapwa residente ng Sitio Taguan, Barangay Bukal Sur sa naturang bayan, ay namataan ng mga ito ang ginagawang pagsira sa padlock ng isang classroom ng tatlong kalalakihan.

 

Hindi na nila ito nagawa pang awatin nang tutukan umano sila ng baril.

 

Nabaril si Molina ng isa sa mga suspek at kinuha pa ang wallet nito at ang cellphone ng kasamang si Batocabe.

 

Hindi pa nakontento ang mga suspek at ginapos pa umano ang mga biktima habang nakatakas naman ang mga suspek na dumaan sa likod na bahagi ng paaralan.

 

Narekober sa lugar ng pinangyarihan ang isang bala mula sa caliber .45 at isang sirang padlock.

 

Nagpapagaling pa ngayon si Molina habang inihahanda naman ang kasong robbery with frustrated homicide laban sa mga suspek.