2 bangkay sa abandonadong bahay

Injured Killed
0 2

Date: 27 April 2013
Source: http://www.abante-tonite.com/issue/apr2713/crime_story06.htm

 

Parehong pinatay sa sakal saka itinago ang mga bangkay ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki sa ilalim ng kama sa loob ng isang abandonadong bahay sa Malunggay St., Brgy. Tumana, Marikina City kamakalawa ng gabi.

Nalaman ng mga awtoridad ang krimen dahil na rin sa text message umano na kanilang natanggap mula sa isang concerned citizen na hindi na nagpabanggit ng pangalan at nagbigay ng impormasyon kaugnay sa kinaroroonan ng mga bangkay.

Agad na tinungo ng mga imbestigador ng Marikina Police Station ang lugar na tinukoy ng impormante at nalaman na positibo nga ang natanggap nilang impormasyon.

Ayon kay PO3 Ryan Escorial, dakong alas-siyete ng gabi nang matagpuan ang bangkay ng dalawang biktima sa ilalim ng kama sa loob ng isang abandonadong bahay sa Malunggay St. na matagal na umanong walang naka­tira mula pa nang manalasa ang Habagat noong nakaraang taon.

Inilarawan ang isa sa mga hinihinalang biktima ng summary execution na may tattoo ng sapot ng gagamba sa katawan, nakasuot ng short pants at puting t-shirt na may nakasulat na pangalang Andi San Martin.

May katabaan naman ang isa pang biktima na nakasuot ng itim na jersey at short pants at ibinalot sa linoleum ang bangkay.

Parehong nakatali ng nylon cords sa likod ang mga kamay ng dalawang biktima na pinaniniwalaang pinatay sa pamamagitan ng pagsakal sa kanilang leeg. At kapwa may edad na 32 hanggang 40.

Isa sa kanila ay sinakal ng nylon cord habang pinuluputan naman ng kawad ng telepono ang isa pang biktima habang parehong may pasak ng basahan ang kanilang bibig.

Palaisipan pa ngayon sa mga awtoridad kung sino ang may kagagawan ng krimen kung kaya’t patuloy pa ang kanilang follow-up investigation sa pag-asang maresolba ang krimen.