Injured | Killed |
---|---|
1 | 0 |
Date: 21 April 2013
Source: Bombo Radyo
ZAMBOANGA CITY – Isang 16-anyos dalagita ang ginahasa ng 25-anyos na lalaki na kanyang nakainuman sa loob mismo ng bahay ng suspek sa may Little Tondo, Barangay San Roque sa Zamboanga City.
Kaagad namang naaresto ng kapulisan ang suspek na kinilalang si Emmanuel Padao Inut.
Batay sa testimonya ng biktima sa otoridad, bandang alas-5:00 ng hapon noong nakaraang araw nang magtungo siya sa bahay ng suspek kasama ang isa pa niyang kaibigan na menor de edad rin at doon sila nag-inuman.
Makalipas ang ilang oras ay nalasing na umano sila at pauwi na rin sana pero ilang metro pa lamang ang layo nila mula sa bahay ng suspek ay biglang naalala ng biktima na naiwan pala niya ang kanyang cellphone battery na naka-charge sa loob ng silid ng suspek kaya bumalik sila roon.
Dahil sa sobrang kalasingan, naisipan umanong magpahinga sa silid ng suspek ang dalawang dalagita hanggang makatulog.
Nagising na lamang umano ang dalagita nang maramdaman niyang nasa gilid na niya ang suspek at wala na rin siyang nagawa para makatakas pa rito.
Ang kanyang kaibigan naman ay tulog na tulog habang ginagawa ng suspek ang panghahalay sa kanya.
Pagkatapos ng insidente, pinauwi na lamang ng suspek ang dalawang lasing na dalagita.
Isinailalim na sa inquest proceeding ang suspek sa kasong rape at ngayon ay nakakulong sa detention cell ng nasabing himpilan ng pusliya. (MRDS)