Injured | Killed |
---|---|
0 | 0 |
Date: 08 May 2013
Source: DZMM ABS CBN
Sinampahan na ng kaso ng Manila Police District (MPD) ang 15-anyos na binatilyong responsable pagpapasabog sa maliit na bahagi ng CR ng Divisoria mall sa Maynila at tangkang pagpapasabog ng kanyang eskwelahan.
Nahaharap sa apat na kaso ang suspek na si Boyet na kinabibilangan ng acquisition at possession of explosives, destruction of property at attempted murder.
“Attempted murder kasi nandun ‘yung element na premeditated,” ani MPD spokesman Chief Inspector Erwin Margarejo.
Inamin din naman ng high school student na suspek ang pagpapasabog sa bahagi ng isang palengke at isang bahagi ng mall sa Pasay noon.
Aminado ang ina na hirap nitong sawayin ang anak kaya nauubos na ang pasensya niya.
Giit ng ina, gusto niyang turuan ng leksyon ang anak.
“Dapat makulong na siya para sa moral lesson,” pahayag ng ina.
Dahil umano sa kapabayaan, kinasuhan na rin ng MPD ang ina ng suspek ng child abuse.
Evaluation
Samantala, lumabas na rin ang resulta ng evaluation ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa binatilyong suspek.
Mataas ang kinalabasan sa index of value judgement ng bata kung saan minarkahan nitong mali ang panggugulo sa eskwelahan at pananakit ng tao.
Ito’y nangangahulugang alam ni Boyet kung ano ang tama at mali.
Ayon sa DSWD, ang naging problema ay emotionally disturbed ang bata o naapektuhan ang kanyang emosyon dahil sa maling pagkalinga ng kanyang magulang.
“May behavioral problem in relation sa family, ‘yun ang assesment namin, importante communication ng saloobin,” sabi ni Jay dela Fuente ng Manila Social Welfare.
Rekomendasyon ng Manila Social Welfare na isailalim sa psychiatrist at ipagamot ang bata habang ang kanyang ina naman ay kailangang dumaan sa counseling para mapagtugma at mabigyang solusyon ang kanilang problema. Report from Zyann Ambrosio, ABS-CBN News