1 utas, 1 sugatan sa onsehan sa droga

Injured Killed
1 1

Date: 30 November 2013
Source: Journal Online

ONSEHAN sa droga ang nakikitang motibo ng pulisya sa naganap na krimen na ikinasawi ng isa at malubhang pagkakasugat ng isa pa kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.

Hindi na umabot nang buhay sa Florencio Bernabe Hospital ang biktima na kinilala lamang ng pulisya sa alyas “Chow” habang inoobserbahan pa sa naturan ding pagamutan si Jeremias Villamayor, 35, ng Balagtas St., Bgy. Don Galo, na nagtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa pulisya, nakatayo sa paanan ng footbridge sa Bgy. La Huerta si Villamayor dakong alas-8 ng gabi at hinihintay ang isang alyas Teng na magbebenta sa kanya ng shabu nang sumulpot mula sa kanyang likuran si Chow at kaagad na inundayan ng sunud-sunod na saksak ang una.

Duguan na si Villamayor nang dumating ang hinihintay nitong si Teng, kasama ang isa pa na nakilala lamang sa alyas Alvin na kapuwa armado naman ng kalibre .45 na baril at pinaputukan ng malapitan si Chow bago mabilis na nagsitakas.

Nang magresponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 3 ng Parañaque police, hindi na nila inabot ang dalawang suspek at sila na rin ang nagsugod sa dalawang biktima sa pagamutan. 

Inaalam naman ni Parañaque police chief Senior Supt. Ariel Andrade kung ang bilanggong si Dioscoro Jao na lumaya noong Nob. 19  sa Parañaque City jail sa kasong may kinalaman sa iligal na droga at ang nasawing si Chow ay iisa.