1 sundalo patay, 3 nasugatan sa engkuwentro ng militar at NPA sa Isabela

Injured Killed
3 1

Date: 31 August 2013
Source: Bombo Radyo

CAUAYAN CITY, Isabela – Isang sundalo ang patay, tatlo ang sugatan sa naganap na engkuwentro kagabi sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at New People’s Army (NPA) sa Balagan, San Mariano, Isabela.
 
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Supt. Manuel Bringas ng Isabela Police Provincial Office (IPPO), dakong alas-11:45 kagabi nang maganap ang sagupaan sa pagitan ng mga NPA at isang platoon ng 52nd Divison Reconnaisance Company ng Philippine Army sa pamumuno ni 2nd Lt. Raniola.
 
Inihayag naman ng 5th Infantry Division Philippine Army sa Gamu, Isabela na ang mga sundalo na nataasang magsagawa ng Bayanihan Operation sa lugar ay tumugon sa sumbong ng ilang residente na pangingikil ng mga NPA nang sila ay biglang paputukan ng mga rebelde. 
 
Tumagal ang palitan ng putok ng magkabilang panig ng 20 minuto at nagbunga ito ng pagkamatay ni Pfc Atali. 
 
Ang tatlo mga sundalo na nasugatan ay kinilala sa kanilang apelyido na sina Cpl Bimmoy, Pfc Ganalon at Pvt Langa.
 
Mayroon din umanong tinamaan sa panig ng mga NPA batay sa mga bakas ng dugo sa pinangyarihan ng sagupaan.