1 patay, ABC pres. kritikal sa pananambang sa Zamboanga Sur

Injured Killed
1 1

Date: 31 August 2013
Source: Bombo Radyo

ZAMBOANGA CITY – Isa ang nasawi habang nasa kritikal naman ang kondisyon ng presidente ng Association of Barangay Councils (ABC) ng bayan ng Pitogo sa lalawigan ng Zamboanga Del Sur, sa pananambang ng armadong grupo.

 

Batay sa report mula kay C/Insp. Ariel Huesca, ang tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO-9), sinabi nito na nangyari ang pananambang sa highway ng Purok Caimito, Barangay Poblacion sa nasabing bayan dakong kaninang umaga.

 

Kinilala ni Huesca ang namatay na biktima na si Edgen Aguilar na nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t-ibang parte ng katawan.

 

Habang ang ABC president na si Noel Laurete Mojillo ay nagtamo naman ng dalawang malubhang tama ng bala sa katawan at naka-confine sa isang ospital sa lalawigan.

 

Nabatid na nakasakay sa isang motorsiklo ang mga biktima nang harangin ng nasa pitong kalalakihan na armado ng M16 rifle at M14 rifle saka bigla na lamang silang pinagbabaril.

 

Bagama’t sugatan, nakatakbo pa umano ang ABC president palayo sa lugar ng insidente at nakahingi ng tulong.

 

Narekober ng mga rumespondeng pulis sa lugar ng insidente ang maraming mga basyo ng bala ng nasabing matataas na kalibre ng baril.

 

Patuloy ang pagtugis ng magkasanib na puwersa ng PNP at militar laban sa mga tumakas na suspek.

 

Sa ngayon ay hindi pa natukoy ng otoridad kung kaninong grupo ang responsable sa pananambang at kung ano ang maaaring motibo sa insidente. (MRDS)