1 patay, 5 sugatan, sa hiwalay na shooting incident sa Iloilo City

Injured Killed
5 1

Date: 31 August 2013
Source: Bombo Radyo

ILOILO CITY – Patay ang isang katao sa nangyaring barilan sa iligal na pasugalan sa Zone 4, North Baluarte, Molo, Iloilo City.

 

Ang biktima ay kinilalang si Gregorio Mag-usara, 37-anyos, residente ng nabanggit na lugar at nagtatrabaho sa Iloilo Fishing Port.

 

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police S/Insp. Marlon Valencia, hepe ng Molo Police Station, sinabi nitong nagsagawa ng surveillance ang special operations group ng Regional Intelligence Division ng Police Regional Office 6 (PRO6) subalit nakatunog ang mga nagsusugal ng cara y cruz sa presensya ng mga pulis kaya nagkagulo.

 

Tinamaan ng bala sa dibdib mula sa baril ni PO3 Rodney Calungsod ang biktima kaya’t binawian ng buhay.

 

Dalawa naman sa mga nagsusugal ang naaresto habang karamihan ay nakatakas.

 

Samantala, limang katao ang sugatan sa nangyaring barilan at pananaksak sa Tuki Convinience Store sa Boardwalk Complex, Diversion Road, Mandurriao, Iloilo City.

 

Dalawa sa mga biktima ay nabaril habang dalawa naman ang nasasak at isa ang pinalo sa ulo.

 

Nagkahabulan pa ang mga biktima at suspek hanggang sa umabot ang mga ito sa Carlos Uy Building kung saan naroroon ang himpilan ng isang AM radio station.

 

Dahil dito, napasugod ang special weapons and tactics (SWAT) team matapos makatanggap ng impormasyon na may presensya ng armadong tao sa gusali.

 

Nagreklamo naman ang mga nasa building dahil sa umano’y harassment sa kanila subalit depensa ng SWAT, bahagi lamang ito ng kanilang standard operating procedure.

 

Hindi naman na-identify ang mga suspek na sakay ng isang pribadong sasakyan at iniimbestigahan pa ang motibo sa insidente.